Mga Post

Tungkulin

Imahe
TUNGKULIN tungkulin ng bawat mandirigmâ bakahin ang burgesya't kuhilâ ipaglaban ang obrero't dukhâ at ang bayang api'y mapalayà bawat isyu ng madla'y mabatid di manahimik o maging umid ipagtanggol ang mga kapatid laban sa kaapihang di lingid tungkulin ng lider-maralitâ ang umugnay, makaisang diwà ang inaapi't nagdaralitâ dahil sistema'y kasumpâ-sumpâ niyayakap ang bawat tungkulin na pinagpasyahang tutuparin makauring prinsipyo'y baunin hanggang asam na hustisya'y kamtin tungkulin din ng bawat makatâ isyu ng masa'y tipuning sadyâ pagbaka'y ilarawan sa akdâ sanaysay, kwento, nobela't tulâ - gregoriovbituinjr. 01.20.2026

Ang sining

Imahe
ANG SINING halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang! magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan! lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban! maningil tayo! panagutin ang mga kawatan! ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan! mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan! lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan! ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan! - gregoriovbituinjr. 01.19.2026

Patuloy lang sa pagkathâ

Imahe
PATULOY LANG SA PAGKATHÂ patuloy ang pagsusulat ng makatang nagsasalat patuloy na magmumulat upang isyu'y sumambulat patuloy na kumakathâ ng anumang isyu't paksâ hinggil sa obrero't dukhâ ikukwento, itutulâ na sa panitikan ambag na nais kong maidagdag saya, libog, dusa, hungkag, digmâ, ligalig, panatag ito na'y yakap kong misyon sulat, tulâ, kwento, tugon umaraw man o umambon para sa dalita't nasyon magdamag mang nagninilay akdang kwento't tula'y tulay sa masang laging kaakbay sa pagbaka man at lumbay - gregoriovbituinjr. 01.18.2026

Isang pelikula at isang talambuhay sa MET

Imahe
ISANG PELIKULA AT ISANG TALAMBUHAY SA MET Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Dalawang palabas ang pinanood ko ngayong araw sa Metropolitan Theater sa Maynila. Ang una ay ang pelikulang  Kakaba-kaba ka ba?  At ang ikalawa'y ang  Del Mundo  hinggil sa talambuhay ni Clodualdo Del Mundo Jr. Bago ang pagpapalabas ng dalawang nabanggit ay may tatlong bidyo ng patalastas hinggil sa MET na ang nagpapaliwanag at si Ginoong Boy Abunda. Ang  Kakaba-kaba ka ba?  ay pinagbidahan nina Christopher De Leon, Charo Santos, Jay Ilagan, at Sandy Andolong. Hinggil iyon sa hinahanap na casette tape ng mga kasapi ng isang malaking grupo. Nagkaroon din ng konsyerto sa dulo na siyang ikinahuli ng mga masasamang loob. Ang  Del Mundo  naman ay dokumentaryo hinggil sa talambuhay ng screenplay writer na si Clodualdo Del Mundo Jr., ang anak ng batikang manunulat na si Clodualdo Del Mundo. Matapos ang dokumentaryong  Del Mundo  ay nagkaroon pa ng talakayan ng...

Hustisya sa mga dalagita't batang pinaslang

Imahe
HUSTISYA SA MGA DALAGITA'T BATANG PINASLANG sa loob lang ng isang linggo'y nabalità dalawang kinse anyos yaong ginahasà at pinaslang, habang otso anyos na batà nama'y pinaslang ng tiyuhing walang awà ganyang mga ulat nga'y karima-rimarim nangyari sa kanila'y talagang kaylagim budhi ng mga gumawa'y uling sa itim kung ako ang tatay, mundo ko na'y kaydilim kung anak ko silang sa puso'y halukipkip  tiyak na nangyari'y di ko lubos maisip ilang araw, buwan, taon kong di malirip ang mga suspek na halang, sana'y madakip kung di man baliw, baka mga durugista yaong mga lumapastangan sa kanila ang maisisigaw ko'y  hustisya! hustisya! hustisya sana'y kamtin ng tatlong biktima! - gregoriovbituinjr. 01.17.2026 * headline sa pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, at pahayagang Bulgar, Enero 13 at 17, 2026

Katha't nilay

Imahe
KATHA'T NILAY nagpapasalamat akong totoo sa bawat kasama't mga katoto na sa maraming labanan at isyu ay nagkaisang magtagumpay tayo pag may isyu nga akong natitisod susuriin, aalamin ang buod gagawan na ng tula't ia-upload kapara ng busóg, palaso't tunod pag sa mga isyu'y di mapalagay ay magsasaliksik ng walang humpay habang prinsipyo'y isinasabuhay at hanay ay ating pinatitibay makatâ mang walâ sa toreng garing iwing diwa'y mananatiling gising trapo't burgesya man ay sumingasing ang masa'y di mananatiling himbing salamat, kadukha't kamanggagawà sa tulong kahit daanan ng sigwâ kakathâ at kakathâ ang makatâ bilang ambag sa layuning dakilà - gregoriovbituinjr. 01.17.2026

Payò sa tulad kong Libra

Imahe
PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi ay nababasa ko ang Libra, horoscope ko tulad ngayong araw, anong ganda ng payò piliin daw ang mga taong nagbibigay ng katahimikan, kayganda ng nahulô ibig sabihin, ang nanggugulo'y layuan katahimikan ng loob ang sabing ganap kapanatagan at ginhawa'y madarama kaysa mapanira't magugulo kausap payapang puso't diwa'y kaysarap talaga di man ako naniniwalà sa horoscope ang nabasa ko'y talagang malaking tulong upang positibong enerhiya'y mahigop lalo't sa mabuting pakiramdam hahantong horoscope sa sikolohiya'y may epekto na tilà pinapayuhan ng kaibigan lalo't mag-isa na lang ang gaya kong bálo kung may peace of mind, payapa ang pakiramdam - gregoriovbituinjr. 01.16.2026 * mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 16, 2026, p.7