Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Marso, 2023

Ituturo na sa Harvard ang Tagalog

Imahe
ITUTURO NA SA HARVARD ANG TAGALOG Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Dalawang pahayagang Tabloid ang nabili ko nitong Marso 29, 2023 - Bulgar at Tempo. Basta binili ko lang upang may mabasa ako. Nang nasa dyip ako'y aking binuklat ang mga pahayagan. Aba'y nakakatuwa ang mga pamagat ng balita. Ulat sa Tempo:  "Harvard to offer Tagalog course".  Wow! Ang bigat! Teka, kailan pa nila napansin ang wika natin? Ang headline sa Bulgar:  "Pang-4 sa pinaka-ginagamit sa U.S. TAGALOG, ITUTURO SA HARVARD".  Ah, kaya pala. Marahil sa dami ng migranteng Pilipino na nag-uusap sa Tate ay pang-apat ang Tagalog sa sinasalita roon. Kaya binasa ko na ang mga ulat na nasa front page at pahina 2. Sa Tempo, inanunsyo noong Lunes, Marso 27, ng The Harvard Crimson, na publikasyon ng mga estudyante sa Harvard, na sa unang pagkakataon ay mago-offer ang pamantasan ng Tagalog Language Course. Ayon pa sa Crimson, kukuha ng tatlong magtuturo ang Department of South Asian Studies up

Magkarugtong din pala ang bituka't puso

Imahe
MAGKARUGTONG DIN PALA ANG BITUKA'T PUSO magkarugtong nga kaya ang bituka't puso? kaya pag lagi raw busog ang sinusuyo pag-ibig daw kailanma'y di maglalaho... kaya ang magkasama'y di lang puso't isip na karaniwang batid nati't nalilirip kundi may mas malalim pang dapat mahagip sa panliligaw pa lang, dapat nang mawatas na di sapat magbigay ka ng tatlong rosas kung wala ka raw namang pambili ng bigas! nakakakilig marinig ngunit kaylalim nakakagutom kung rosas lang ang masimsim at baka magdulot pa ito ng panimdim subalit kung may pasalubong na masarap dalawang magkasuyo'y gaganahang ganap magsasamang maluwat, di aandap-andap - gregoriovbituinjr. 03.31.2023 * litrato mula sa google

Rinorea niccolifera

Imahe
RINOREA NICCOLIFERA Rinorea niccolifera , kaygandang itanim pagkat halaman itong metal pala ang pagkain salamat, kaalamang ito'y naibahagi rin upang malutas naman ang maraming suliranin lalo sa mga lupang kinalbo ng pagmimina na dapat tamnan ng  rinorea niccolifera kung mamarapatin, sa pagtatanim ay sasama ambag sa pagbuti ng kalikasang nasira na ayon sa pananaliksik, ang matindi pa roon: makikita lang ito sa ating bansa, sa Luzon halamang nakakapag-alis ng nakalalason na antas ng nickel sa lupain, kontaminasyon mahalaga ang ganitong mga pananaliksik baka lupang sinira ng mina'y mapanumbalik sa gawaing ganito'y di dapat patumpik-tumpik buti't may kasagutan na sa lupang humihibik - gregoriovbituinjr. 03.31.2023 Mga pinaghalawan ng ulat at litrato: https://www.facebook.com/EsquirePH/photos/a.241192562598048/6308385339212043/ https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/rinorea-niccolifera-metal-eating-plant-a00293-20230330?ref=home_aside_popular

Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

Imahe
RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa  Rights of Nature  ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa  Dignity and Rights for ALL  noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang  Rights of Nature General Assembly (RoN GA)  noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face.  Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo. Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahens

Palaisipan sa numero

Imahe
PALAISIPAN SA NUMERO kaysarap sagutan ng Aritmetik at Sudoku subukan mo rin ang palaisipan sa numero eh, di ka naman nagbibilang ng poste o troso kundi ang utak mo'y iyo lang ineehersisyo sa Aritmetik, apat na kahon lang ang sagutan sa dalawang gitnang kahon, dalawang integer lang sa unang kahon ay produkto ng dalawang iyan sa ikaapat na kahon ay sumatotal naman sa Sudoku ay may padron, walumpu't isang kahon isa hanggang siyam na numero'y ilagay doon numero'y h'wag ulitin, pababa't pahalang iyon gayon din ang gagawin sa blokeng tatluhang kahon pinakapahinga ko na sa maraming gawain dama'y pampagaan sa mabibigat na tungkulin paglipat ng pokus mula sa tambak na sulatin minsan nga, sa gabi'y makakatulugan mo na rin lohika lang ang paganahin at sadyang kaysaya sa ilang saglit lang ay malulutas mong talaga subukan mo rin, ehersisyong kaiga-igaya para kang nag-aayos ng samutsaring problema - gregoriovbituinjr. 03.31.2023

Salinggogon

Imahe
SALINGGOGON kapara'y cherry blossom ng Japan ang salinggogon na sa Masungi Georeserve makikita roon aba'y Philippine native tree pala ang mga iyon na huwag pabayaan kundi protektahan ngayon sa Masungi at sa Upper Marikina Watershed ito matatagpuan na may sayang ihahatid di ito tutubo roon kung may mga balakid tulad ng sabi'y development na unregulated at mga gawaing ilegal na dapat labanan mga lugar iyong nararapat maprotektahan upang makinabang ang bayan at ang kalikasan laban sa mapagsamantalang kupal at gahaman wala pa sa U.P. Diksiyonaryong Filipino ang salitang salinggogon nang agad tiningnan ko sa susunod na edisyon sana'y isama ito bilang malayang ambag sa ating salita rito O, Salinggogon, ikaw ang cherry blossom ng bansa na dapat naming ipagmalaki't di makawawa dapat kang protektahan laban sa tuso, kuhila, at kapitalistang pagtutubuan ka lang sadya - gregoriovbituinjr. 03.30.2023 * ang unang litrato'y mula sa Philippine Star fb page, ang ikalawa'y mu

Ka Jimmy Tadeo

Imahe
KA JIMMY TADEO anim kaming nakiramay mula sa Ex-D at umawit bilang parangal kay Ka Jimmy ng kantang  "Detenido"  para sa bayani ng magsasaka, nakiramay nga'y kayrami sa sasakyan pa lamang patungo sa sadya munting kwaderno'y kinuha ko't nakagawa ng dalawang taludtod ng alay na tula na binigkas ko roon sa harap ng madla: "Si Ka Jimmy Tadeo, lider-magbubukid pangarap niya'y paglayang dapat mabatid paglaya sa hirap na sa atin binulid ng uring mapang-aping dusa ang hinatid pagbabago ng sistema'y kanyang adhika na sa kanya'y isang pangarap na dakila pagpupugay, Ka Jimmy, ikaw ma'y nawala ay mananatiling buhay ang iyong diwa" bertdey din pala niya ang araw na iyon nang luksang parangal ay idinaos doon Ka Jimmy, pamana mong diwa'y aming baon tungo sa lipunang asam at nilalayon - gregoriovbituinjr. 03.29.2023 * salamat sa kumuha ng litrato na ibinahagi sa Ex-D

Wanted: Pusa

Imahe
WANTED: PUSA kaytindi ng pagmamahal sa kanyang pusa marahil mayaman yaong nag-aalaga aba'y tatlumpung libong piso ang pabuya sa makakita sa pusa niyang nawala sino kayang magkakainteres maghanap sa pusang kung saan-saan na hinagilap baka hanapin mo kung ikaw ay mahirap sa pabuya pamilya'y kakaing masarap aba'y talagang pinaskil pa ang litrato wanted! may pabuyang tatlumpung libong piso magtago na kung may kasalanang totoo ngunit ito'y pusa, di kriminal na tao - gregoriovbituinjr. 03.29.2023 * kuha ang litrato sa isang pader ng mga karinderya sa tapat ng SM Fairview

Panagimpan

Imahe
PANAGIMPAN minsan dapat mo pang mapanaginipan ang paksa na bigla na lang magigising ng madaling araw upang isulat agad ang ibinulong ng mutya hinggil sa usaping lalapatan mo ng pananaw isusulat ito ng pasalaysay o pakwento o kaya'y patula na kinagigiliwang gawin babangon sa banig, kukunin ang pluma't kwaderno ang paksa'y agad pagmumunihan at nanamnamin ang bunga ba'y masarap o ang danas ay mapait ang mangga ba'y manibalang o matamis ang duhat hinog na ba ang sinigwelas, kasoy at kalumpit mag-ingat sa talahib, baka matibo ang balat madaling araw pa lang, araw ay di pa masilip papikit-pikit sa gitna ng gaserang ilawan patuloy lang sa pagkatha ng nasa panaginip maya-maya'y matatapos din ang napagnilayan - gregoriovbituinjr. 03.28.2023    

Heroes Street

Imahe
HEROES STREET (LANSANGAN NG MGA BAYANI) nasa gilid lang ng Bantayog ng mga Bayani ang Heroes Street o Lansangan ng mga Bayani para kang tumapak sa tinapakan ng bayani bagamat di mo iniisip magpakabayani di iyon mataong lugar, gayong may tao naman di tulad ng Monumento doon sa Caloocan o sa Luneta sa lungsod, ang dating Bagumbayan gitna ng Centris at Bantayog ang maikling daan Heroes Street, lansangan ng lumaban sa marsyalo sa Bantayog ng mga Bayani'y naukit dito ang ngalan ng mga biktima, desaparesido, mga bayani noong nakipaglabang totoo ah, minsan kaya'y dumaan ka rin sa Heroes Street sa Quezon Avenue M.R.T. station malapit at damhin ang lugar pati kasaysayang kaypait na idinulot ng diktadurang tigib ng lupit - gregoriovbituinjr. 03.27.2023

Babasahin

Imahe
BABASAHIN pag may panahon, magbasa-basa ng aklat lalo't may mga paksang ang mata'y didilat may kwentong katatakutan, may aklat ng math may hinggil sa awit, may nobelang panggulat may aklat na nagtatalakay ng pag-ibig sa panahon ng digma't kaunti ang kabig may tungkol sa obrerong nagkakapitbisig upang itayo ang makataong daigdig paksang tagos sa puso, may nakagigimbal nakagawian nang magtungo sa National Book Store, bata pa'y tinambayang kaytagal nagkaedad man ngunit di pa hinihingal imbis pulos pagkain, libro ang bibilhin pagkat diwa naman ang aking bubusugin sa kababayang awtor ay suporta na rin lalo't nalathala sa aklat o magasin - gregoriovbituinjr. 03.27.2023

LI

Imahe
LI agad nakita'y tanong sa matematika sa krosword na madalas sagutan talaga palaisipang libangan ko sa tuwina sa libreng oras ay nagbibigay ng saya animo ako'y sandali ring natigagal tila matematika'y bigla bang inaral addition sa krosword? letra ring numerikal yaong sagot sa dalawang Roman numeral iyon ang tanong doong agad kong sinagot agad sinolusyunan, di nakababagot buti't gayong tanong ay pinahihintulot palibhasa'y letra ang numerong kasangkot nakagawian ko nang dyaryo'y makabili may Tempo, Ngayon, Pang-Masa, Bulgar, Abante dahil sa palaisipang kawili-wili na sasagutan pa rin kahit sobrang busy kaya bukod sa Aritmetik at Sudoku minsan sa krosword ay may math na ring totoo ang utak ay talagang naeehersisyo na tumatanda man diwa'y di nalulumpo - gregoriovbituinjr. 03.27.2023 * tanong sa krosword sa 4 pahalang ay Roman numeral na XXVI + XXV na katumbas ay 26 + 25 = 51 o LI

Panambitan

Imahe
PANAMBITAN dinggin n'yo yaring tinig, O, madla na araw-gabi pintuho'y mutya ng panitik upang makakatha ng di mamatay-matay na tula mula sa lunggang kinasadlakan na animo'y yungib sa karimlan liwanag ay nais kong mamasdan pati bituin sa kalawakan habang narito'y namimintuho sa mga salitang anong layo na di sana tuluyang maglaho na pinagsisikapang mahango mga katha'y nais kong ihandog sa madlang nananahan sa nugnog na lalawigang puno ng niyog na talagang maalam umirog may talinghaga bang matatanaw bakit sa likod ko'y may balaraw salitang asam sana'y lumitaw sa landas na kayraming naligaw - gregoriovbituinjr. 03.24.2023

Parak-manggagahasa

Imahe
PULIS-MANGGAGAHASA mabuti't nakatakas ang estudyante sa kamay ng dalawang parak na peste habang tulog ay ginahasa ang pobre buti't nagising ang kawawang babae siya't nakawala't humingi ng tulong sa mga kaibigan agad nagsumbong dalaga'y nagsampa ng kaso't sinuplong ang dalawang parak na ngayon na'y kulong kurikong kagaw ang kanilang kapara o baka anay sa hanay ng pulisya o ulupong na nanunuklaw ng iba na baka hanap lagi'y mabibiktima ang tulad nila'y di dapat pamarisan marahil dapat mabulok sa piitan mabuti't gumagalaw ang katarungan na sa biktima'y nabigay ng agaran - gregoriovbituinjr. 03.23.2023 * headline sa pahayagang  Pang-Masa , Marso 23, 2023:  "2 Pulis-Cavite Inaresto sa Rape" , at sa pahayagang  Pilipino Star Ngayon , Marso 23, 2023, p. 9:  "Grade-12 student ni-rape ng 2 pulis"

Aliwalas

Imahe
ALIWALAS kay-aliwalas ng umaga pag iyong pagmasdan anong ganda ng daigdig na ating kinagisnan sadyang mapapahanga ka sa kanyang kagandahan tila ba walang polusyon sa ating kalunsuran kaya napapatula, wala man sa toreng garing kundi lapat sa lupa kasama ng magigiting na mga makakalikasang kay-agang gumising na di payag mundo'y pagsamantalahan ng sakim anong ganda ng umagang animo'y di babagyo habang binabantayan ng haring araw ang mundo habang climate emergency'y panawagang totoo habang Rights of Nature ay pinag-uusapan dito kay-aliwalas ng kalangitan, mapapatula at kayganda rin ng daigdig, mapapatulala kalikasan ay huwag nating hayaang masira ng kaunlarang para sa iilan, di sa madla - gregoriovbituinjr. 03.23.2023 * kinatha sa ikatlong araw ng pagdalo sa  Rights of Nature General Assembly , Marso 21-23, 2023

Sa narinig kong tumulang katutubo

Imahe
SA NARINIG KONG TUMULANG KATUTUBO nadama ko ang kaygandang tula dini sa puso'y nakahihiwa upang laban nila'y maunawa sana'y marami pang ganyang katha - gregoriovbituinjr. 03.22.2023 * ang tulang ito'y ibinahagi ko sa comment box at binasa ng moderator ng Rights of Nature General Assembly

Tarang mananghalian

Imahe
TARANG MANANGHALIAN mga 'igan, tarang / mananghali dine kamatis, sardinas, / talbos ng kamote pam-vegetarian daw, / ito yaong sabi dama ko'y lumakas / at biglang lumiksi pagkat pampalusog / ang ulam na gulay kamatis at talbos / na nakadidighay at humihinahon / sa maraming bagay kaya nagagawa / ang taglay na pakay maraming salamat / sa nalutong ulam ininom na tubig / nama'y maligamgam saluhan n'yo ako / sa hapagkainan at damhin ang sarap / ng pananghalian - gregoriovbituinjr. 03.22.2023

Kwento

Imahe
KWENTO patuloy ang pagninilay sa bawat araw habang nagbabasa'y mayroong lumilinaw kayraming kwentong yumayanig sa pananaw na dapat unawain upang di maligaw dapat nga sa kapwa'y nakikipagkwentuhan upang ang ikukwento'y may pinagbatayan di putok sa buho o inimbento lamang maliban kung pantasya ang kwentong minulan magbigay tayo't suriin ang halimbawa ng mga malaganap na kwentong pambata hari't reyna, prinsipe't prinsesa ang katha bakit palasak na kwento'y laging banyaga burahin natin ang hari't reyna sa kwento pagkat walang hari't reyna sa bansang ito ang mayorya'y maralita't uring obrero mayorya'y bata at kababaihan dito magandang isulat sa kwentong makakatha ang kwento ng masisipag na manggagawa ang buhay ng katutubong mapagkalinga ang tiyaga't sipag ng mga maralita kathain ang kwento ng pamayanan natin kwento ng mga lider nating magagaling kwento ng pagbaka ng mga inapi rin ng tusong banyaga't kapitalistang sakim - gregoriovbitui

Pahalagahan ang tubig

Imahe
PAHALAGAHAN ANG TUBIG (Marso 22 - World Water Day) pinagsamang hydrogen at oxygen ang karaniwang iniinom natin at napuno rin ng tubig ang ating katawan kaya tayo'y malakas din kung walang tubig, saan patutungo tiyak di tayo makakapaligo at di rin tayo makakapagluto baka wala tayo rito't naglaho kaytindi ng oil spill sa Mindoro saribuhay at tao'y apektado karagatan ay nasirang totoo may dapat talagang managot dito di sagot ang proyektong Kaliwa Dam para sa tubig ng Kamaynilaan dahil mawawasak ang kabundukan pati na lupang kanunu-nunuan huwag gawing basurahan ang ilog, sapa, lawa't katubigang kanugnog dahil tubig ay búhay, umiinog tubig ay buháy, sa atin ay handog dinggin natin ang lagaslas ng tubig damhin mo ang pagluha niya't tinig palahaw niya't atin bang narinig siya'y dinumhan, siya'y nabibikig sa World Water Day ay ipanawagan tubig ay dapat nating ipaglaban huwag dumihan, huwag pagtapunan at huwag gamitin sa kasakiman - gregoriovbituinjr. 03.22.2023

Madaling araw

Imahe
MADALING ARAW madalas akong nagigising ng madaling araw pagkat musa ng panitik ang laging dumadalaw at may paksang binubulong kundi man sinisigaw sa kwaderno'y isusulat ang nasa balintataw anong lamig ng panahon habang pabiling-biling nang ikaapat ng madaling araw na'y gigising animo yaong tinig ng musa'y tumataginting kaya agad babangon mula sa pagkakahimbing upang isulat ang masasalimuot na paksa tulad nitong nakaambang demolisyon sa dukha ang salot na kontraktwalisasyon sa manggagawa ang dinanas na baha't luha matapos ang sigwa anupa't ang madaling araw ko'y tigib ng buhay pagkat kakathang may saya, libog, luha, o lumbay - gregoriovbituinjr. 03.22.2023

Karumal-dumal

Imahe
KARUMAL-DUMAL karumal-dumal na krimen sa bata! estudyanteng Grade 4 ang ginahasa! may pari pang ganyan din ang ginawa! nakapanggagalaiting balita! pagkatao ng bata'y niluray na siya pa'y pinaslang! isinako pa! pari'y nanggahasa ng dalagita! paano kung ama ka ng biktima? tiyak manggagalaiti sa ngitngit sa naganap na sadyang anong sakit! hustisya'y ihihiyaw mo sa galit! baka sugurin mo ang nagmalupit di maitatago habang panahon ang krimen ng sinumang nandaluhong ang maysala'y tukuyin at isuplong! dakpin, bitayin, kundi man, ikulong! - gregoriovbituinjr. 03.22.2023 * Pinaghalawan: Dalawang balita sa pahayagang  Pilipino Star Ngayo n, Marso 6, 2023, pahina 9, na may pamagat na  "Grade 4 ginahasa na, pinatay pa"  at  "Pari na pinaaaresto sa rape, sumuko"

Pananagutan

Imahe
PANANAGUTAN pagbangon para sa karapatan paglingon sa ating nakaraan pagbaka para sa katarungan tungo sa maayos na lipunan labanan ang kawalang hustisya huwag pabayaan ang biktima magpatuloy tayong makibaka tungong makatarungang sistema anong mekanismong nararapat upang gumaling ang bawat sugat pag may tortyur, sa utak ang pilat na di basta malimutang sukat dapat lang pag-usapan ang isyu hinggil sa karapatang pantao kaninong pananagutan ito pag nilabag na itong totoo mga pagdukot, mga pagpatay,  pag-tortyur at iba pang paglabag lalo sa karapatan sa buhay, laya, seguridad, at dignidad dulot nito'y takot at bangungot sistema ba ang dapat managot hustisya ba'y saan mahuhugot nang mapanagot ang mga buktot - gregoriovbituinjr. 03.21.2023

Alay ngayong World Poetry Day

Imahe
ALAY NGAYONG WORLD POETRY DAY namumutawi dini sa dila ang mga nilalaman ng diwa ginagagap ang mga salita na ilalangkap sa kinakatha kayrami nang tulang nagsikalat na talagang nakakapagmulat talinghaga ma'y di madalumat binibigkas nang may tugma't sukat parang agila sa himpapawid na kung makukuro'y mababatid ngunit di ka basta padadagit sa mga salitang matatamis dakilang araw ng tula ngayon at muling pagnilayan ang hamon tula ng makata ng kahapon ay basahin nitong henerasyon habang kasalukuyang makata ay nagpapatuloy sa pagkatha habang pinauunlad ang wika ay itinataguyod ang tula sa lahat ng makata, MABUHAY! kami'y taospusong nagpupugay! ang inyong katha ng tuwa't lumbay sa salinkahi'y pamanang tunay - gregoriovbituinjr. 03.21.2023

Pagdalo sa Rights of Nature General Assembly

Imahe
PAGDALO SA RIGHTS OF NATURE GENERAL ASSEMBLY dadaluhan ko'y Rights of Nature General Assembly nang mabatid ito'y di na ako nag-atubili kinontak sila't ako'y talagang agad nagsabi dahil kahalagahan ng isyu'y aking namuni dalawa't kalahating araw itong talakayan mga tagapagsalita'y pakikinggang mataman lalo sa usaping karapatan ng kalikasan na noon pa'y nadama ko nang dapat pag-usapan ang mga ilog nga'y di lang bagay pagkat may buhay dumihan mo ito't maraming isdang mamamatay tulad ng Ilog Pasig na basura'y nahalukay at wala nang mga isdang doon ay nabubuhay ang karagatan ay tinadtad ng basurang plastik na napagkakamalang pagkain at sumisiksik sa tiyan ng lamang dagat at isdang matitinik di ba't ang kalikasan ay marunong ding humibik? nariyan din ang bundok tulad ng Sierra Madre na may karapatang manatili sa ating tabi sumasangga sa kaylakas na unos, nagsisilbi sa atin bilang kalasag sa bagyong matitindi tapunan ba ng upos ng yosi ang mga s

Kaya ako nakasusulat

Imahe
KAYA AKO NAKASUSULAT tanong nila minsan, bakit ako nakasusulat ng halos araw-gabi raw, ako ba'y nagpupuyat? tanging nasabi ko'y may paksa kasing nadalumat na sa utak ko'y kumislap kaya agad nagmulat nakakasulat dahil din may ipinaglalaban na kung wala iyon, wala akong paksang tuntungan sinusulat ko rin anong nasa kapaligiran isyu man iyon o mga bagay na karaniwan nakakasulat dahil may nais maiparating na mensahe, tulad ng katarungang adhikain nakakatula sapagkat wala sa toreng garing kundi nakikipamuhay sa obrero't dukha rin kayraming nahahalukay na samutsaring paksa halimbawa'y demolisyon ng bahay nitong dukha o sa pagiging kontraktwal ng mga manggagawa o hinggil sa kalikasa't karanasan sa sigwa laksang paksa'y lumilitaw pag naglalaba ako o kaya'y pag naghuhugas ng pinggan sa lababo o magwalis ng bakuran, o daang sementado o pagluluto ng isda't kangkong na inadobo akala nga nila'y di trabaho ang pagtunganga dahil tinatamad ako't wala raw gin

Sampiyad

Imahe
SAMPIYAD ang kahulugan pala ng sampiyad ay  "pagpunta sa isang lugar nang walang tiyak na layunin" , ah ayon sa Salit-Salitaan, diksyunaryong kilala sa internet, taguyod ang ating wika sa masa at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino naman ay  "lagalag"  na nag-iisa nitong kahulugan na kung susuriin, pareho ba o iba iyan? pagtungo sa lugar, walang layon o katiyakan? di ko masabi na minsan, ako'y isang sampiyad dahil may adhikain ako saanman mapadpad bagamat ako'y lagalag, laging palakad-lakad kung saan-saan, habang isip ay lilipad-lipad litrato'y tingnan,  "for World Nomads"  ang nasulat doon na mga lagalag ang inilalarawan niyon tumutungo sa lugar nang walang tiyak na layon? o may sariling layon? di na natin sakop iyon may lagalag tulad kong may layon dahil makata na lumilipad man ang isip ay nakakatula subalit di ako sampiyad na walang adhika madalas mang tulala't sa langit nakatingala - gregoriovbituinjr. 03.20.2023 *  sampiyad  (pangngalan):

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN inaalmusal ko kadalasan ang pagsagot ng palaisipan agad bibili ng pahayagan pag nagising kinaumagahan o kaya'y palaisipang aklat ang aking agahan pagkamulat gawain ito bago magsulat ng anumang paksang madalumat sasagot ng titik o numero hanap-salita man o sudoku aritmerik man o krosword ito pampasaya't libangang totoo sa isipan ay nakabubusog pagkain din itong pampalusog gayong tiyan ay di bumibintog umaga'y sa ganyan umiinog sa ganito ko man nasasagip ang nalulunod na di malirip palaisipang di man masilip sa puso ko't diwa'y halukipkip mamaya'y magluluto ng kanin upang pamilya ay makakain ulam man ay simple't mumurahin sila naman ang pasasayahin - gregoriovbituinjr. 03.20.2023

Maling tanong, kaya walang tamang sagot

Imahe
MALING TANONG, KAYA WALANG TAMANG SAGOT Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa nakaraang palaisipang Aritmetik, petsang Marso 18, 2023, Sabado, pahina 7, sa pahayagang Pang-Masa, nahirapan akong sagutin ang isang katanungan, na sa kalaunan ay wala palang kasagutan. Sa palaisipang Aritmetik, may apat na kahon sa tatlong linya, kung saan ang ikalawa at ikatlong kahon ay magkadikit. Doon ilalagay ang dalawang integer, mga factor (multiplier times multiplicand) at ang dalawang addends, kung saan ang unang kahon ay product, at sa ikaapat na kahon ay sum o total ng nasabing ikalawa at ikatlong kahon. Madaling masagot ang una, ikalima at ikawalo, dahil idi-divide lang o ima-minus ang isang integer ay masasagutan mo na nang walang gamit na calculator, kundi sa isip lang. Subalit sa ayos ng ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikaanim at ikapitong puzzle, kailangan talaga ng matamang pag-iisip upang makuha mo ang tamang factor o addends. Halimbawa, sa ikatlo at ikaapat ay parehong 17 ang s

Pagsukat, pagsulat, pagmulat

Imahe
PAGSUKAT, PAGSULAT, PAGMULAT di ko sukat akalaing maisusulat ang loob kong tingnan mo't nagkasugat-sugat tingni ang langib, balantukan na ang pilat subalit bakit ito yaong nadalumat dahil sa paghahanap sa wastong kataga habang talinghaga'y di agad maunawa bubulwak ba kung saan ang tamang salita kahit naritong tigib ng lumbay at luha paano ba nila sinusukat ang lalim ng talinghagang minsan ay di mo masimsim tulad ng tanghaling tapat na nagdidilim may banta ng unos, ulap ay nangingitim patuloy kong tatanganan ang aking pluma salita'y lulutuin sa tamang panlasa sa anumang panahon, payapa o gera ay maglilingkod pa rin sa uri't sa masa - gregoriovbituinjr. 03.17.2023

Dahon ng sibuyas at kamatis

Imahe
DAHON NG SIBUYAS AT KAMATIS nagmura na ang isang tali ng sibuyas kaya kamatis at dahon nito'y almusal inulam ito sa kanin, di panghimagas pampalakas, sa takbo'y di basta hihingal ginayat kong malilit ang mga dahon ng sibuyas, pati nag-iisang kamatis bagamat nag-iisa lang sa bahay ngayon nag-agahan ng masarap bago umalis kaytagal ko nang iniwasan iyang karne kaya madalas, ulam na'y isda at gulay upang makapagpatuloy sa pagsisilbi sa bayan, sa masa, kina nanay at tatay payak na pamumuhay, puspusang pagbaka di pansarili, layon ay pangkalahatan iyan ang buhay ng makatang makamasa nasa'y itayo ang makataong lipunan - gregoriovbituinjr. 03.16.2023

Para kanino nga ba ang pag-unlad?

Imahe
PARA KANINO NGA BA ANG PAG-UNLAD? "Hindi nga masama ang pag-unlad Kung hindi nakakasira ng kalikasan" - mula sa walang kamatayang awiting Masdan Mo Ang Kapaligiran ng bandang ASIN patuloy ang kaunlaran ng ating kabihasnan mga gusali't kondominyum ay nagtatayugan mga bagong tulay na ginawa'y naghahabaan habang pinapatag naman ang mga kabundukan ginamit ang fossil fuel para raw sa pag-unlad sangkaterbang coal plants pa ang itinayo't hinangad kinalbong bundok at gubat ay talagang nalantad habang buhay ng tao'y patuloy na sumasadsad sinemento ang mga bakong lansangan sa lungsod pati mga daan upang maging farm-to-market road ang mga tiwangwang na lupa'y nilagyan ng bakod bumundat ang kapitalistang nambarat sa sahod! lumikha ng mga eroplano't barkong pandigma nagpataasan ng ihi ang iba't ibang bansa sinugod pa ng Rusya ang Ukraine, nakakabigla sa isyung klima, Annex 1 countries ang nagpalala di raw masama ang pag-unlad, lagi nilang sambit kung di sisira