A-kinse na
A-KINSE NA may kwento noong ngayo'y aking naalala: minsan daw ay lumindol doon sa pabrika sigaw ng isa: nakupo! katapusan na! ang sagot ng isa: a-kinse pa lang, tanga! tulad ng petsa ngayon: Nobyembre a-kinse sweldo na naman, paldo muli si kumpare at may pang-intrega na siya kay kumare may pampa-tuition na sa anak na babae inaabangang sadya ang araw ng sahod matapos kinseng araw na nagpakapagod na ramdam ng manggagawa'y nakalulugod lalo na't sa pamilya siya ang gulugod O, kinsenas, kapag ikaw na ang dumatal nagkalipak man ang palad at kumakapal ginhawa'y dama matapos ang pagpapagal sana'y di magkasakit, buhay pa'y tumagal - gregoriovbituinjr. 11.15.2025