Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita

Mayo 31, 2020
Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita,

Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Simula nang matagumpay na mailunsad ang Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML, nakapag-umpisa muli tayo ng paglalathala ng Taliba ng Maralita. Noong mag-umpisa ako sa KPML bilang staff noong taon 2001 hanggang Marso 2008, sa akin pinatrabaho ang paglalabas ng Taliba ng Maralita, kaya nakapaglathala tayo ng Taliba ng Maralita noon sa size na 8.5 x 11 o short bond paper bawat pahina, at walong pahina kada labas nito. Nalalathala ito noon ng isang beses kada tatlong buwan, apat na beses sa isang taon, may kulay ang unang pahina. Nang mawala na ako noong Marso 2008 bilang staff, at naging volunteer na lamang, di na nakagawa ng Taliba ng Maralita dahil na rin sa kakapusan ng badyet.

Subalit lumiit ito ngayon, bawat pahina ng Taliba ng Maralita ay kalahati na lang ng short bond paper. Kaya sa isang buong bond paper, ito'y titiklupin na sa gitna. Matapos ang 5th National Congress ng KPML noong Setyembre 16, 2018, at nahalal ang inyong lingkod bilang sekretaryo heneral ng KPML, inumpisahan muli natin ang Taliba ng Maralita, at ginawang isyu number 1 ang Oktubre-Nobyembre 2018 na labas nito. Mula Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 ay isang beses kada buwan ang labas nito. Subalit simula ng Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang beses bawat buwan na ito nalalathala. Sa ngayon, nakapaglathala na tayo ng tatlumpu't tatlong isyu, at ang huling nalathala ay ito ngang Isyu 33, Mayo 16-31, 2020, at ang susunod ay Isyu 34, Hunyo 1-15, 2020.

Tulad ng karaniwang dyaryong nabibili sa news stand, ibinebenta sa halagang sampung piso (P10.00) ang Taliba ng Maralita, upang maibalik lang ang puhunan. Gayunman, dahil sa higit dalawang buwang kwarantina o lockdown dahil sa COVID-19, ibinahagi na natin sa lahat, na mababasa na ng libre, ang lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita na nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com.

Sa ngayon, naisipan kong gumawa ng ilang patakaran hinggil sa Taliba ng Maralita, at nais ko kayong magbigay ng mungkahi o puna, pagsusuri, o marahil ay mag-ambag ng sulatin, bilang aming mga mambabasa ng Taliba ng Maralita.

Draft Guidelines, o patakaran ng Taliba ng Maralita

- Dapat ipaalam sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap (NEC) ang lalamanin ng bawat isyu ng Taliba ng Maralita

- Dalawang beses isang buwan ang labas ng Taliba ng Maralita, tuwing a-kinse at katapusan ng buwan

- Ito ay naglalaman ng dalawampung (20) pahina, sa isang 8.5 x 11 size bond paper, titiklupin kaya bawat pahina ay kalahati ng bond paper, nasa kalahating pulgada ang margin, at 1 pulgada ang gitna (para sa pagtiklop)

- Ang unang pahina ay headline, o tampok na pagkilos ng maralita, o anumang putok na isyu

- Ang ikalawang pahina ay hinggil sa batas at karapatan

- Ang ikatlong pahina ay Editoryal, at may maliit na kahon hinggil sa Taliba ng Maralita

- Ang ikaapat na pahina ay nakalaan sa sulatin ng pambansang pangulo ng KPML, subalit kung wala siyang sulatin, ang pahina 4 ay maglalaman ng pahayag ng KPML sa anumang putok na isyu

- Ang panggitnang pahina o spreadsheet, pahina 10-11, ay hinggil sa mga tampok na lathalain

- Ang pahina 12-13 ay hinggil sa Balita Maralita, at komiks na Mara at Lita

- Ang iba pang pahina, mula pahina 5-9, at 14-19, o labing-isang pahina, ay maglalaman ng iba pang sulatin, tulad ng pahayag ng KPML, mga saliksik, sanaysay, balita mula sa mga kapatid na organisasyon ng BMP, Sanlakas, PLM, ZOTO, Piglas-Maralita, atbp. 

- Paminsan-minsan ay may isang pahinang Bukrebyu at mga sanaysay at salin hinggil sa sosyalismo, o sosyalistang adhikain

- Ang pahina 20 o huling pahina ay panitikan, o mga tula, na siyang masasabing kolum ng sekretaryo heneral ng KPML, na isa ring makata

- Kung kulang ng artikulo, magsaliksik. O kaya naman, dapat may mga reserbang artikulo, salin, bukrebyu, awit na pangmasa, tungkol sa pampublikong pabahay, sulating teoretikal, na ilalagay pag wala nang iba pang pumasok na artikulo

- Tuwing ikalima at ikadalawampu ng buwan ay ilalabas ng sec gen ang plano para sa isyung malalathala sa a-kinse o sa katapusan ng buwan

- Tuwing ikasampu o ikadalawampu't lima ng buwan ang deadline ng mga artikulo

- Sa ika-12 at ika-27 ng buwan ay umpisa na ng layout

- Kung may artikulong ihahabol, dapat sa ika-12 o ika-27 ng buwan ay maihabol na. Kung hindi makahabol, ito'y sa susunod na isyu na ilalathala

- Kung kakayanin, makapaglathala tayo ng mga balita mula sa rehiyon ng KPML at mga kasaping pederasyon at lokal na organisasyon, na sana'y maiambag nila

- Ang mga pahayag o artikulo, hangga't kakayanin ay kunin sa kalahating pahina ng short bond paper, o mas maikli pa kung may litrato, dahil bawat pahina ng Taliba ay kalahati ng 8.5 x 11 na papel, ang font ay size 11, Calibri, Arial o Times New Roman; ito'y upang di mahirapan sa layout bawat pahina

- Sinusunod ng Taliba ng Maralita ang prinsipyo ng creative commons, na maaaring ilathala ang anumang artikulo basta sinabi mo kung saan ang source, kahit di na magpaalam upang ilathala sa Taliba, tulad ng mga press statement, polyeto, litrato, at balita ng mga organisasyon; dahil nais talaga nila itong ipalaganap, at isa lang ang Taliba ng Maralita sa magpapalaganap nito; "Creative Commons aspires to cultivate a commons in which people can feel free to reuse not only ideas, but also words, images, and music without asking permission — because permission has already been granted to everyone." (mula sa https://wiki.creativecommons.org/wiki/Legal_Concepts)

- Imbes na copyright, sinusunod ng Taliba ng Maralita ang copyleft, na ibig sabihin, "which seeks to support the building of a richer public domain by providing an alternative to the automatic "all rights reserved" copyright, and has been dubbed "some rights reserved" (mula sa Wikipedia). Katulad din lang ito ng pagsi-share natin ng anumang sulatin sa facebook upang mabasa ng iba.

- Kung pribadong sulatin ng mga indibidwal na nasa facebook, ito'y dapat munang ipaalam sa nagsulat na ilalathala ang kanyang artikulo; tulad ng pagpapaalam ng Taliba ng Maralita na ilathala ang mga sulatin ng pangulo ng KPML na nasa kanyang facebook

- Dapat eksaktong a-kinse at katapusan ng buwan ay tapos na, at nailathala na ang Taliba ng Maralita

- Dahil lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita ay nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com, maaari na natin itong i-share sa ating mga kamag-anak, kakilala at kaibigan, sa pamamagitan ng facebook upang mabasa ng mga kasapian, mga kapatid na organisasyon, mga kasama, at mga kapwa dukha, at kahit ng pamahalaan

Kung may maidadagdag kayo, mungkahi o puna, bilang mambabasa ng Taliba ng Maralita, kayo po ay inaanyayahang magbigay ng mga mungkahi.

Hindi ko alam, ngunit bilang manunulat, ang Taliba ng Maralita na lang ang tanging publikasyong aking sinusulatan. Kaya parang personal na krusada ko na ito bilang makata't manunulat. At matindi ang inilapat kong disiplina sa aking sarili upang patuloy na malathala ang pahayagang ito sa takdang panahon, walang patid. Mahirap kasi na naturingan kang manunulat nang wala ka namang pinagsusulatang anumang dyaryo o magasin.

Wala na ang mga pinagsulatan ko noong magasing Tambuli ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (1996-1999 kung di ako nagkakamali), magasing Maypagasa ng Sanlakas (na nakadalawang isyu, 1998 at 1999), pahayagang Obrero ng BMP (na higit 40 isyu ang nalathala mula 2003 hanggang 2010), ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (na nakapitong isyu noong 2012), ang nag-iisang isyu ng pahayagang Sosyalista ng PLM (bandang 2008 o 2009 kung di ako nagkakamali, lumabas ng SONA ni GMA), ang Siklab ng Super Federation (na naglathala ng ilang artikulo ko at tula). Sa totoo lang, kung may pahayagan ang MASO (Manggagawang Sosyalista) at PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa, magboboluntaryo rin ako, di lang sa pagsusulat, kundi sa layout at pamamahagi.

Kaya nais kong mag-iwan ng tulang medyo personal, ipagpaumanhin. Naiiyak lang ako dahil Taliba ng Maralita na lang ang napagsusulatan ko, dahil wala na ang iba. Kaya bigay todo na ako rito. Na kahit nitong panahong kwarantina ay patuloy ang paglalathala natin ng Taliba ng Maralita. Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kasama sa National Executive Committee ng KPML sa kanilang taospusong suporta. Pasensya na sa tula:

pinagbubutihan ko ang paggawa ng Taliba
ng Maralita't ito ang tanging naglalathala
ng aking kathang sanaysay, tula't iba pang akda
tanging dyaryong sinusulatan ko bilang makata

may Aklatang Obrerong naglalathala rin naman
ng mga tula ko sa aklat, aba'y kainaman
subalit bihira nang nagagawa pa ang ganyan
di tulad nitong Talibang talagang pahayagan

kinsenas at katapusan, dapat nalathala na
itong Taliba ng Maralita upang mabasa
ng madla ang mga nilalaman nito tuwina
balita, paninindigan, komiks, isyu't problema

Taliba ng Maralita'y dyaryo ng masa, ninyo
kaya suportahan natin ang pahayagang ito
ito lang ang tangi kong pinagsusulatang dyaryo
kung dito na ako mamamatay, payag na ako

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
Tagapangasiwa ng Taliba ng Maralita
Sekretaryo Heneral, KPML

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa