Pagsulyap sa Alpha Centauri

matagal ko nang naririnig ang Alpha Centauri
na sistema ng mga bituing kita sa gabi
kapara ng sistemang solar na iniintindi
na nais kong ikwintas sa magandang binibini

Alpha Centauri'y titigan mo't madarama'y saya
kukuti-kutitap sa kalangitan, O, sinta
maipapangako mo sa iyong magandang musa
na iyong iaalay ng buong puso sa kanya

isa raw sa pinakamaliwanag na bituin
sa kalangitan na natatanaw dito sa atin
ito yata ang totoong bituing nagniningning
sa gabing pusikit habang sa sinta'y naglalambing

kagabi, Alpha Centauri nga'y muli kong minasdan
habang astronomya'y pinag-aaralang mataman
paano gumalaw ang bituin sa kalangitan
upang galaw din ng daigdig ay maunawaan

- gregbituinjr.
06.15.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa