Pangunguha ng talbos ng kamote

nanguha na ng talbos ng kamote pagkagising
doon sa bakurang kaytagal nang maraming tanim
hinugasang mabuti ang talbos bago lutuin
ginisa sa bawang, sinawsaw sa toyo't kinain

ito'y pampalakas din, at pang-ulam ng pamilya
pitasin lang sa bakuran lalo na't walang pera
patunay na maging badyetaryan ka rin tuwina
sa talbos lang ay nakakaraos na rin ang masa

kaya tayo rin sa pagtatanim ay magsipag lang
at balang araw, tayo na rin ang makikinabang
minsan, maglagay ng balag upang doon gumapang
ang iba't ibang gulaying sa pamilya'y pang-ulam

mga tatlong araw lang, tutubo muli ang talbos
lalo na ngayong kayraming tubig dahil sa unos
tuwing hapon umuulan, sadyang makakaraos
basta masipag magtanim, di ka maghihikahos

- gregbituinjr.
06.14.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa