Paso na ang aking pasaporte

Agosto sais, limang taon nang nakararaan
nang pangatlo kong pasaporte'y natanggap ko naman
kaya muling nakapaglakbay at nangibangbayan
ah, kaysarap gunitain ng panahong nagdaan

limang taon na'y lumipas, pasaporte'y paso na
dalawang bansa'y narating niyon, una'y sa Tsina
lumapag iyon sa Ghuangzhou, sa paliparan nila,
at dumiretso tungo sa destinasyon kong Pransya

dahil sa Climate Walk kaya muli may pasaporte
sa di pa narating na bansa'y nakapagbiyahe
upang gampanan ang misyon kung saan napasali
ipanawagan ang "Climate Justice" sa pilgrimahe

dahil naglakad mula Luneta hanggang Tacloban
mula umpisa hanggang matapos,  walang uwian,
na pasaporte ko upang isama sa lakbayan,
mula Lyon hanggang Paris, at saksi sa COP Twenty One

ngayong Agosto 6, paso na ang pasaporte
at isang alaala na lang ang mga nangyari
sa Japan, Thailand, Burma, Tsina, Europa ang huli
sana, minsan pa, muli akong makapagbiyahe

- gregbituinjr.
08.06.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa