Sa ika-25 anibersaryo ng Mining Act sa bansa

aba'y pangdalawampung anibersaryo na pala
nitong Mining Act sa bansa, ano bang nangyari na
batas na nagwasak sa paligid, buhay, kultura
wasak na bundok, lupang minina'y may lunas pa ba

di ba't ang ating kapaligiran ay napinsala
pati mapagkukunan ng tubig na'y nasisira
puno't pananim, katutubo'y apektadong lubha
nangyari sa Boac noon ay isang halimbawa

bakit tuwang-tuwa kayong minimina ang bundok
biktima rin ba kayo ng kapitalismong hayok
ilang kabundukan na ba ang kinalbo ang tutok
dahil sa mina, ilang buhay na ang nangalugmok

kayraming pinalayas sa lupa nilang sakahan
batbat ng karahasan sa mga lupang minahan
bansa'y pangalawa na sa kayraming pinapaslang
buhay ng environmental defenders nga'y inutang

noon, bakit pinayagang magmina ang dayuhan
ngayon, bakit payag na payag ang pamahalaan
madaling pasunurin ng negosyanteng gahaman
tila wala nang pakialam sa kapaligiran

di ba't mas mahalaga pa ang tao kaysa tubo
bakit sinisira ang lupain ng katutubo
bakit winawasak ang mga lupaing ninuno
bakit lupang minina'y hinuhugasan ng dugo

tama na, sobra na, ang Mining Act ay palitan na
ang panawagan namin ay panlipunang hustisya
tulad ng ginawa noon ni Secretary Gina
minahang sumira ng kalikasan ay isara

- gregoriovbituinjr.

* kinatha at inihanda ang tulang ito para sa pagkilos sa DENR ngayong araw, 09.28.2020

https://news.mongabay.com/2020/03/the-fight-goes-on-for-opponents-of-a-philippine-mine-given-a-new-lease-on-life/
https://news.abs-cbn.com/focus/07/05/16/beyond-responsible-mining-in-the-philippines
https://mb.com.ph/2020/08/03/denr-to-anti-mining-groups-dont-mix-up-issue-of-insurgency-and-environment/https://www.worldpoliticsreview.com/articles/26506/fleeing-violence-the-philippines-anti-mining-activists-are-trapped-in-a-waiting-game
https://www.alyansatigilmina.net/single-post/2020/09/25/Press-Statement-Pandemics-are-linked-to-mining-and-climate-change

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa