CBA ng Uri

CBA NG URI

makipagtawaran sa gobyernong kapitalista
ang sambayanan hinggil sa mga isyu ng masa
tulad ng pakikipagtawaran ng unyunista
para sa benepisyo ng obrero sa pabrika

collective bargaining agreement ng uri'y panlahat
uring manggagawa't dukha'y nagkakaisang tapat
panlipunang serbisyo'y dapat sa lupa lumapat
at di sa bulsa ng mga gahamang nangabundat

ipinaglalaban ang dignidad ng kapwa tao
direktang paglahok ng manggagawa sa gobyerno
pati partisipasyon ng masa sa pagpaplano
ng pag-unlad ng bansa't walang maiiwan dito

pampublikong pabahay ang asam ng maralita
kuryente, tubig, iba pang serbisyo'y isabansa
dapat maregular ang kontraktwal na manggagawa
pambansang minimum na sahod ay dapat itakda

pagminina't produksyon ng plastik, huwag payagan
coal-fired power plants ay tuluyang patigilin naman
solusyong medikal, di militar, sa kalusugan
libreng mass testing para sa lahat ay ipaglaban

tuluyang tanggalin ang regresibong pagbubuwis
ipaglaban ang kapakanan ng babae't buntis
nakabubuhay na sahod para sa anakpawis
ipaglaban ang magkaroon ng hanging malinis

dekalidad, libreng edukasyon sa kabataan
paggalang sa karapatan ng bawat kasarian
agarang ipatigil ang redtagging at pagpaslang
at bawat karapatan ng tao'y dapat igalang

ilan lang sa hiling namin sa C.B.A. ng Uri
na kung di matugunan ng gobyernong naghahari
dapat lang patalsikin silang walang silbing imbi
na kahit isang minuto'y di dapat manatili

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa