Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2022

Upos sa paso

Imahe
UPOS SA PASO sa palengke'y nagtungo ni misis nabili'y isang tumpok na isda okra, itlog, sangkilong kamatis nang may makitang ikinabigla ang paso'y ginawang basurahan! halamanang nilagyan ng upos matapos magyosi'y gayon lamang matapos sa hitit nakaraos tanong ko lang, upos ba'y pataba? o di mabulok tulad ng plastik? gawain itong kahiya-hiya na upos sa paso pinipitik basura'y saan wastong ilagak? ay, di mapalagay yaring isip tila ba sugat ko'y nag-aantak kalikasa'y paano masagip? - gregoriovbituinjr. 07.31.2022

Hatid

Imahe
HATID wala ka raw doon noong panahon ng marsyalo anang matanda't makagintong panahon sa iyo wala rin tayo noong panahon ni Bonifacio panahon ni Julius Caesar ay nabasa lang ito marsyalo, wala ka pa nang karapata'y siniil maganda raw ang gintong panahon, anang matabil ay, wala rin tayo nang si Bonifacio'y kinitil noong Romano sa kapangyariha'y nanggigigil inihahatid ka sa nais burahing gunita na sa katotohanan ay wala kang mapapala payag ka bang kasaysayan ay sinasalaula? upang krimen nila sa baya'y mapawi't mawala? dapat lang nating ipaglaban ang dangal ng bayan ang gunita ng dinahas, iwinala't pinaslang di dapat halibyong ang umiral sa kasaysayan katotohanan ay huwag ihatid sa kawalan - gregoriovbituinjr. 07.29.2022 halibyong  - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.426

Talubata

Imahe
TALUBATA   10 pantig bawat taludtod ang milenyal pala'y talubata kahulugan sa sariling wika mga kabataang papatanda na sa buhay dapat maging handa mula bentsingko 'gang trenta'y singko ang sabi'y edad ng mga ito ng mga unang pagtatrabaho, ng pagpapamilya't pagpaplano - gregoriovbituinjr. 07.27.2022

Kepler 186f

Imahe
KEPLER   186F may nakitang planetang kapara raw ng daigdig anang mga astronomo sa kanilang saliksik natagpuan ang planetang Kepler, mayroong tubig na marahil may nabubuhay ding ating kawangis "There is no planet B!" sigaw ng mga aktibista walang makapapalit sa mundong nilakhan nila kayâ kung may natagpuang mundong sa atin gaya  dapat pang suriin kung may nabubuhay talaga bakit mundo'y sinisira't naghahanap ng bago pinabilis ang pagbabago ng klima ng mundo pulos coal plant, pagmimina, bundok ay kinakalbo kalsada't dagat ay pinagtatapunang totoo ngayong may panibagong planeta silang nahanap bubuo ba tayo roon ng lipunang pangarap? o kaya'y sistemang walang mayaman at mahirap? o alagaan ang tanging mundo't tahanang ganap? - gregoriovbituinjr. 07.26.2022

Pagsulong

PAGSULONG 10 pantig bawat taludtod kumakalat na ang alimuom at tumitindi ang halibyong kaharap man natin ay linggatong maging positibo sa pagsulong - gregoriovbituinjr. 07.26.2022 talasalitaan :  alimuom  - tsismis, ayon kay national artist poet Rio Alma halibyong  - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino linggatong  - ligalig, nabanggit sa Florante at Laura ni Balagtas

Ngiti

Imahe
NGITI tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU) i nakangiti ang pusong pinaglagyan ng napkin habang tila naglaho ang tulang sasambitin tuloy ang tagay kasabay ng pagnilay sa ngiti't lumbay ii pag ikaw'y nasa rurok niyang sistemang bulok ah, nakasusulasok lalo't di mo malunok nasa tuktok man ay di malilimutan ang nakaraan iii baso'y iindak-insak bote'y humahalakhak sa puso nakaimbak ang laksang luha't galak aking nilaro ang tanikalang gintong dapat mapugto - gregoriovbituinjr. 07.21.2022

Robot

Imahe
ALAM  ko kaagad ang sagot nang di nakikita ang karugtong. Para bagang ang google ay nagtanong. Fill in the blanks. Sagot ko: Robot. Nabasa ko na kasi ito noon sa libro ni Isaac Asimov, isa sa tatlong master ng science fiction genre. Tama ang sagot. Napagawa akong bigla ng munting tula hinggil dito. ROBOT iyon ay salitang mula sa Czech mula panulat ni Karel Capek "compulsory labor" pala iyon o sapilitang paggawa, gan'on nasa aklat din na "Caves of Steel" ni Isaac Asimov, napaskil sa utak ko ang mga binasa lalo't sci-fi, ukol sa siyensya si Karel Capek unang gumamit sa kanyang mga kwentong marikit kwento niya'y sinalin sa atin akda niyang kaysarap basahin robot ng Star Wars at Star Trek mula panulat ni Karel Capek, pagpupugay ang aking paabot  sa imbentor ng salitang "robot" - gregoriovbituinjr. 07.19.2022

Ipipinta ko

Imahe
IPIPINTA KO kung tutularan ko si Da Vinci aking gagawing kawili-wili ang mga tula kong hinahabi upang ihandog sa kinakasi kung tutulara'y si Van Gogh naman ilalarawan ko ang lipunan ng laksang dukha't mayamang ilan patungo sa pagbabagong asam ako'y ipinanganak ni Inay nang si Marcel Duchamp ay namatay pintor siyang kaygaling ng kamay Oktubre Dos, kami'y nagkasabay siya'y nawala, ako'y nabuhay aking ipipinta sa salita ang asam ng uring manggagawa aking ipipinta sa kataga ang kalikasan, gubat at sigwa ipipinta'y adhika't pangarap pawis at amoy na nalalanghap ipipinta sa kapwa mahirap ang ginhawang dapat nalalasap - gregoriovbituinjr. 07.19.2022

Upos

Imahe
UPOS parang kandila pag sinindihan upang hititin ng nagninilay mamaya'y liliit ng tuluyan ang yosing may kasiyahang bigay ang natirang ipit ng daliri'y sa kung saan na lang ipinitik sa daan, pasilyo, di mawari't ginawa ng buong pagkasabik ah, matapos sunugin ang baga't paliparin ang usok sa hangin at itaktak ang titis sa lupa ginhawa'y panandalian man din ikinalat na upos sa daan ay salamin ng ating lipunan - gregoriovbituinjr. 07.18.2022

Tsismis ay alimuom

Imahe
TSISMIS AY ALIMUOM tsismis ay alimuom, anang Rio Alma sa isang sanaysay niyang aking nabasa na iniulat naman ni Ambeth Ocampo na sa ngayon ay binabanatan nang todo mas matindi pa raw sa pakpak ng balita yaong alimuom, sabi pa ng makata singaw galing sa lupa matapos ang ambon o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz tila ba turo sa paaralan ay kapos dapat sa historya'y may fact check at batayan di basta narinig, iyon na'y kasaysayan ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin maraming dapat gawin kung ganyan ang batid ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid - gregoriovbituinjr. 07.18.2022 Talasalitaan: *  alimuom  - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34 *  tsismis  - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Kwentong lango

Imahe
KWENTONG LANGO tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU) i "tagay pa, cheers, amigo! magpakalango tayo!" sabi ng lasenggero sa katotong lasenggo isip ay tikom balewala ang gutom basta may inom ii habang serbesa'y lasap di siya kumukurap na nilunod sa iglap ang problemang kaharap sugat ma'y antak simot ang huling patak ng nilalaklak - gregoriovbituinjr. 07.18.2022

Tagaiku

Imahe
TAGAIKU nais kong kathain ay TAGAIKU animo'y kalahating soneto ah, kaygandang kumbinasyon nito pinagsama ang TAnaGA't haIKU tanaga'y tigpipito ng pantig sa saknong ay magkakapitbisig haiku'y lima-pito-limang pantig puntirya ko'y bulok na sistema tinitira'y tuso't palamara paksa't pangarap para sa masa'y kamtin ang panlipunang hustisya halina't subukang mag-TAGAIKU at ilatag ang angking prinsipyo habang tayo pa'y nasa huwisyo - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Hustisya

Imahe
HUSTISYA "For me, justice is the first condition of humanity." - Literature laureate Wole Soyinka  bakit nga ba ang katarungan ay dapat nating ipaglaban ? ayon nga kay Wole Soyinka hustisya ang unang kondisyon ng sangkatauhan, O, bayan makahulugan, anong talim ipaglaban nating taimtim makasugat man ng damdamin ay kaygandang salawikain kaya kami nakikibaka tibak akong nakikibaka upang masa, hustisya'y kamtin upang pang-aapi'y mawala  at mapanagot ang maysala - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Lanta

Imahe
LANTA kung ako'y dahon nang nalalanta matatanggal na ako sa sanga katandaan ay narating ko na matatapos na yaring pagbaka sinubukan noon ng amihang ako'y tanggalin sa kinalagyan kaytibay ko sa pinagkapitang sanga't talaga ngang nanindigan  kay Inang Kalikasan ay dahong nakipagtagalan sa panahon  ako'y dahong nakibaka noon na pagkalanta'y inabot ngayon hintay na lang matanggal sa tangkay upang sa lupa na'y humingalay pagkalanta ko'y 'wag ikalumbay at may uusbong ding bagong buhay - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Mamon

Imahe
MAMON bakit ayokong kumain ng mamon? mas nais ko pa'y pandecoco, monay, ensaymada, pandesal, anong tugon? ngunit mamon? ako'y di mapalagay... dahil ba sa lasa'y tinatanggihan ang mamon upang meryendahing tunay? dahil ba malagkit sa lalamunan? di ba masaya't malasang tinapay? ako'y aktibistang babad sa rali makatang sa bayan ay nagsisilbi minsan sa isang pagkilos nahuli sinubo sa aki'y mamon, malaki pinasok sa bibig kong sapilitan nang kamao'y bumaon pa sa tiyan habang bibig ko'y kanilang tinakpan santimbang tubig ang sumunod naman namilipit ako, di kaya iyon kaya di nagmamamon mula noon nagbabalik ang matinding kahapon pandecoco na lang, huwag lang iyon - gregoriovbituinjr. 07.16.2022

Walang tinta

Imahe
WALANG TINTA ubos muli ang tinta  niring bolpen ko, mahal dapat makabili na kahit walang almusal upang masagutan ko yaong palaisipan pati na ang sudokung sadyang kinahiligan at isulat ding pawa ang mga tulang handog sa nag-iisang mutya at tanging iniirog maitala ang tinig ng dalita't obrero upang magkapitbisig tungo sa pagbabago ubos muli ang tinta nitong bughaw kong bolpen ibili ako, sinta kahit na bolpeng itim at kita'y bubusugin ng tula ko't panaghoy mithi ko sana'y dinggin nang ako'y di maluoy - gregoriovbituinjr. 07.16.2022

Eman Lacaba

Imahe
EMAN  LACABA I isinilang noong Araw ng Karapatang Pantao pinaslang sa anibersaryo ng Jabidah Massacre siya si Eman Lacaba, manunulat, prinsipyado naging mandirigma noong diktador pa'y nasa poder manunulat na maraming nakamit na gantimpala guro, artista sa entablado, organisador din pag wala raw papel, siya'y nagsusulat sa palara palaisip na tibak, mangangatha rin ng awitin natanggal sa pagkaguro nang sumama sa aklasan ng manggagawa, at siya'y nagpasiya nang mamundok upang maging mandirigma't tagapagtanggol ng bayan patuloy pa ring nagsulat, may baril mang nakasuksok natagpuan ng kaaway, agad silang pinutukan mga kasama'y napatay, dalawa silang natira walang ititirang buhay, ayon sa mga kalaban unang binaril ay buntis, sumunod ay siya naman II ang mandirigmang maraming tula sa Philippines Free Press sa bahay ng biyenan ko'y nahalungkat ko't tinipon ang makatang tinulad kay Rimbaud na makatang Pranses taospusong pagpupugay sa halimbawa mo't layon ang Cultu

Ikaw

Imahe
IKAW Tula ni Vladimir Mayakovsky, 1922 Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Dumating ka - determinado, sapagkat malaki ako, sapagkat ako’y umuungol, ngunit sa malapitang inspeksyon nakikita mo’y isang batang lalaki. Kinuha mo at inagaw ang puso ko at sinimulan itong paglaruan - parang babaeng may bolang tumatalbog. At bago ang himalang ito bawat babae ay maaaring babaeng nagtataka o kaya’y dalagang nagtatanong: "Ibigin ang taong ganyan? Bakit, susuntukin ka niyan! Dapat niyang mapaamo ang leyon, isang babae mula sa palahayupan!" Ngunit nagtagumpay ako. DI ko iyon naramdaman - ang pamatok! Nalilito sa tuwa, ako'y tumalon  at napalundag, sa namumulang balat ng masayang katipan, Nakaramdam ako ng sobrang tuwa at gaan ng loob. * Isinalin: Hulyo 14, 2022 * Hinalaw sa Vladimir Mayakovsky Internet Archive * Litrato mula sa google YOU Poem by Vladimir Mayakovsky, 1922 Source: The Bedbug and selected poetry, translated by Max Hayward and George Reavey. Meridian Books, New York

Kadastro

Imahe
KADASTRO ilang beses kong narinig sa usaping palupa ang salitang KADASTRO sa isyu ng maralita na sa pananaliksik pala'y salitang Kastila ang sukat ng lupa sa lungsod at sa lalawigan ay nasusulat sa kadastro na isang talaan na iniingatan sa nakatalagang tanggapan kaya sa isyung pabahay ng kapwa mahihirap ang usaping ito'y dapat mabatid naming ganap lalo't ipinaglalaban ang tahanang pangarap magkaroon ng bahay ay karapatang pantao ngunit bawat metro kwadrado ng lupa'y magkano mura sa malayo, mahal na pag may market value aaminin ko, na di pa ako nakakakita ng kadastro sa pampamahalaang opisina na sa aking haraya, ito ba'y matriks o mapa? nakita ko dati ay mapa ng lugar, may sulat nakadrowing ang lupa, marahil may mga sukat iyon ba'y kadastro, kung hindi pa, daghang salamat - gregoriovbituinjr. 07.14.2022 * litrato mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 539

Pagbangon

Imahe
PAGBANGON madaling araw, ako'y nagising naghilamos, nagmumog, umiling agad kong inilaga ang saging potasyum sa katawan, kaygaling ang mutya kasi'y nakatulugan sa kanyang pag-awit ng kundiman ang mutya'y aking nakatuluyan nang hinarana't naging katipan nagising akong presyo ng langis ay binalitang agad sumirit kilo man ng bigas at kamatis presyo'y tila abot hanggang langit gagawin ko ang lahat, aniko sa kanya, nang magkasama tayo at lilibutin natin ang mundo kung di man ay luwasan at hulo - gregoriovbituinjr. 07.14.2022

Kamagi

Imahe
KAMAGI ang kamagi pala'y "kadenang ginto" na sa palaisipan ko nahulo ang sagot ay di ko agad natanto at sa diksyunaryo din ay hinango "mga suson ng ginto" pag sinuri "malaking kwintas ng ginto" ng pari kayrami ba nito kaya nagwagi? yaong may Tallano gold daw na ari? "kadenang ginto", ibig bang sabihin mayaman ang nagkulong sa alipin? ginto mang tanikala'y dapat putlin upang kalayaan ay tamasahin kadenang ginto'y gawing araro man upang mundo sa kamagi'y mahubdan mas itanghal natin ang kabutihan niring pakikipagkapwa sa tanan - gregoriovbituinjr. 07.14.2022 * mula sa Tanong 4 Pababa, ng Pinoy Henyo Krosword Puzzle, Blg. 18, puzzle 8; * kamagi, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 561

Tanaga sa upos

Imahe
TANAGA SA UPOS ang nagkalat na upos sa paligid na'y ulos! solusyon bang papatos ay sangkaterbang kutos? - gregoriovbituinjr. 07.13.2022 *  tanaga  - taal na tulang may pitong pantig bawat taludtod

Soneto 77

Imahe
SONETO 77 ni William   Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Ipakikita sa iyo niyang / salamin ang suot mong alindog, Idadayal mo pa’no nasayang / yaong mahahalagang sandali; Matatala sa kawalang puwang / ang sa iyong diwa’y mahuhubog, At sa aklat na ito’y iyo ngang / malalasap ang aral na mithi. Ang mga kulubot na naroong / ipinakikita ng salamin Sa mga bunganga ng libingang / tumatak sa iyong alaala; Sa pagdayal mo sa makulimlim / na lilim na ari mang alamin Ang panakaw na pag-unlad niyong / panahon tungong kawalang-hangga. Tingni kung ano ang hindi aring / maakibat niyang isipan mo Magsulat sa mga blangkong sayang / na ito’t iyong matatagpuan. Ang mga inalagaang paslit / na dinala sa iyong huwisyo Upang ang diwa mo’y magkaroon / ng panibago ring kasamahan. Ang mga nariritong tanggapan, / sa tuwing pagmamasdan mong sukat, Ay talagang makikinabang ka’t / mapayayaman pa yaong aklat. 07.13.2022 Tugmaan   batay sa arali

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA di ako tumutula / para sa sarili lang at kung pangsarili lang / ay di ako tutula at kung di makatula, / bakit ba diwa'y lutang sa langit ng kawalan, / loob ko'y di payapa bakit sa aking budhi'y / mayroong sumisilang na samutsaring paksang / minsa'y di matingkala tila ba mga luhang / sa dibdib naninimbang paano pipigilin / kung di ko masawata may tumutubong damo / maging sa lupang tigang tinutula ko'y buhay / ng madla't kapwa dukha may tumutubong palay / sa bukid na nalinang adhika ng pesante't / obrero'y tinutula ang binhi niring wika'y / sa loob nakaumang na pag naglaho'y tila / baga mangungulila pawang buntong hininga / lalo't may pagkukulang na di dalumat hanggang / ako'y naglahong bula - gregoriovbituinjr. 07.13.2022

Optimistiko

Imahe
OPTIMISTIKO tula ni Hazim Hikmet malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. noong bata pa'y di niya binunot ang pakpak ng mga langaw di rin siya nagtali ng lata sa buntot ng mga pusa o nagsilid ng salagubang sa mga kahon ng posporo o dumapa sa umbok na punso siya'y lumaki na at lahat ng bagay na iyon ay pinaggagawa sa kanya nasa tabi ako ng kanyang kama nang siya'y mamatay sabi niya'y babasahan ako ng tula tungkol sa araw at sa dagat tungkol sa mga reaktor ng nukleyar at satelayt tungkol sa kadakilaan ng sangkatauhan * Isinalin: Hulyo 12, 2022 OPTIMISTIC MAN poem by Nazim Hikmet as a child he never plucked the wings off flies he didn't tie tin cans to cats' tails or lock beetles in matchboxes or stomp anthills he grew up and all those things were done to him I was at his bedside when he died he said read me a poem about the sun and the sea about nuclear reactors and satellites about the greatness of humanity

Lingo

Imahe
LINGO limang piso lang ang bigay ni Tatay, naholdap pa sa underpass ng Kiyapo, ah, nabigla talaga wala nang pamasahe't baon, at nanginginig na natigilang ilang saglit, di alam ang gagawin sa gayong kalagayang di ko sukat akalain ngunit ang holdaper, pagkatulala ko'y napansin kaya sisenta'y singko sentimos na pamasahe ang inabot sa akin nang ako'y makabiyahe marahil, upang di rin mapansin ang insidente umiyak ba ako? baka... di ko na naramdaman basta alam ko'y nakapasok pa ng paaralan ah, isa iyong di malilimutang karanasan hayskul ako noon, persyir o nasa unang antas nang maganap ang pagkaulalo ng mandurugas na baka di nangyari kung lipunan sana'y patas - gregoriovbituinjr. 07.12.2022 *  lingo  - (1) pataksil na pagpatay, asasinato;  (2) panghaharang sa daan upang magnakaw, holdap;  mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 705

Aanhin ko

Imahe
AANHIN KO aanhin ko ang magandang buhay sa laya kung kalayaan ng uri't bayan ay wala mas nais kong kumilos para sa adhika tungo sa lipunang makatao ngang sadya aanhin ko ang sinasabing karangyaan kung sa burgesya't kuhila'y sunud-sunuran kung manggagawa'y napagsasamantalahan kung karapatang pantao'y niyuyurakan aanhin kong naroroon sa toreng garing na dinadakila sa tula'y trapo't praning mabuti pang tumula sa masa't marusing kaysa malinis daw ngunit budhi'y kay-itim inaamin ko, ako'y isang aktibista sa panulat at lansangan nakikibaka pinaglalaban ang panlipunang hustisya na buhay na'y alay para sa uri't masa - gregoriovbituinjr. 07.10.2022

Mga tula sa Unang Daigdigang Digmaan

Imahe
MGA TULA SA UNANG DAIGDIGANG DIGMAAN  Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Matindi ang digmaan, madugo. Kaya ang ilarawan ito ng mga nakaranas mismo ng digmaan, lalo na sa anyong patula o pampanitikan, ay kahanga-hanga, lalo't batid mong sinulat nila iyon habang sila'y nakikipaglaban, tangan ang kanilang baril, nakikipagpalitan ng putok. Kaya ang dalawang aklat ng tula na nasa akin ay pambihira. Dahil bihira tayong makakita ng mga aklat ng tula hinggil sa Unang Daigdigang Digmaan (hindi  Digmaang Pandaigdig, na ilang beses ko nang sinabing mali ang pagkakasalin). Ang tinutukoy kong mga libro'y ito: Poems of the Great War  1914-1918 , may sukat na 4" x 5 1/2", at may 160 pahina, kasama ang 12 pahinang Roman numerals, at inilathala ng Penguin Books noong  1998 . Nabili ko ito sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18,  2018  sa halagang P 60.00 . Ang isa pa'y ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew, ni Max Egremont, may sukat na

Paggunita

Imahe
PAGGUNITA ikaapat na anibersaryo ng ritwal niring kasal sa tribu paggunita, munting salusalo ipinagdiwang naming totoo itong pagsasama ng maluwat sa saya o problemang mabigat sa amihan man o sa habagat masagana man o nagsasalat araw ma'y lumitaw o lumubog katawa'y pumayat o lumusog upang tumagal ang magsing-irog buhay at bukas ang tanging handog sa bawat hakbang nagpapatuloy at kami'y sisibol at susuloy - gregoriovbituinjr. 07.06.2022

Upos

Imahe
UPOS nauupos akong di mawari sa nagkalat na paunti-unti hanggang tumambak na ng tumambak na kalikasan na'y nag-aantak sa sugat na ating ginagawa pagkasira niya'y nagbabanta nagkalat na sa mga lansangan at sa ating mga katubigan sa mga isda'y naging pagkain mga tao isda'y kakainin paano tayo makakaraos sa nagkalat na nakakaupos - gregoriovbituinjr. 07.06.2022

Soneto 94

Imahe
SONETO   94 ni   William   Shakespeare malayang   salin   ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Sila yaong may kapangyarihang / manakit at walang ginagawa, Na hindi magawa yaong bagay / na lagi nilang inilaladlad, Sino, na iba’y pinagagalaw, / silang sa bato ginayang pawa, Hindi natitinag, anong lamig, / at pagdating sa tukso’y kaykupad - Minana nila ng wato mula / sa langit yaong mga biyaya, At pati yaman ng kalikasan / ng asawa mula sa gugulin; Sila yaong mga panginoon / at may-ari niyong mukha nila, Habang iba’y tagapangasiwa / ng kanilang kahusayan man din. Yaong bulaklak niyong tag-araw / na sa tag-araw din ay kaytamis Datapwat ito’y sa sarili lang / nangabubuhay at namamatay; Subalit kung yaong bulaklak na / nakahahawa’y nagkakaniig, Ang pinakamasama mang damo’y / sinasalungat ang kanyang dangal. Matatamis ma’y pinaaasim / ng mga ikinikilos nito: Tulad ng mga liryong ang amoy / ay mas malala pa kaysa damo. 07.05.2022 Tugmaan  batay sa ara

Bagtas

Imahe
BAGTAS isang tanghali'y naglakad-lakad sa isang lungsod na tila gubat sa kainitan ay nabibilad mabuti't di muling namulikat maglakad ba'y magandang diskarte naiisip na di mapakali o gawa ng walang pamasahe yaong binubulong sa sarili sa basag-ulo'y muntik malumpo kaya ngayo'y nag-eehersisyo katawa't binti'y naeensayo aba'y pampalakas pa ng buto napili nang tahakin ang landas na payapa't bihirang mabagtas mabuti ang puno, walang dahas matipuno, may dahong di lagas - gregoriovbituinjr. 07.05.2022

Minsan

Imahe
MINSAN nadatnan ko sa kalsada'y nagtawirang ipininta habang hanap na pareha'y maalindog na dalaga kung sakaling di makuha'y papaspasan na talaga tatampok mang magaganda'y di nanghinayang ang bida hanggang amin nang tinangka'y ang tangkay ng kalabasa tinanim sa masetera'y isang buto ng sampaga bagamat inaalala'y ang layuning dala-dala at naninilay na pala'y ang nagkakaisang masa - gregoriovbituinjr. 07.05.2022

Pagbabasa't pagkatha

Imahe
PAGBABASA'T PAGKATHA  nais kong makakatha't maghanap ng salitang lapat, may wastong diwa't magbasa lagi't sadya kung magulo ang isip dibdib ay nagsisikip wala bang kahulilip anumang halukipkip naidlip, nagpantasya't napabuntong hininga nagising kapagdaka't hinanap na'y hustisya ginawa ng bayani ay aral sa marami di na nag-atubili sa bayan magsisilbi magbasa-basang lagi ang layon kong masidhi pagkat nilulunggati'y ang makasulat muli - gregoriovbituinjr. 07.03.2022

Ngiti

Imahe
NGITI malambing at naglalambing habang nagla-loving-loving pagtawa'y tumataginting kasiyahang tumitining naroon lamang sa dibdib ang pagsintang sadyang tigib nananahan man sa liblib ang pag-ibig ay pag-igib patuloy na nagsisikap upang di naman maghirap kaharap man ay masaklap  na danas ay di kukurap may pag-asa, may pag-ahon magdilim man ang panahon laging maging mahinahon sa problema'y may solusyon - gregoriovbituinjr. 07.03.2022

Himagsikang panlipunan

Imahe
HIMAGSIKANG   PANLIPUNAN Pinagmulan: Eugène Pottier, Chants Révolutionnaires (ikalawang edisyon), Paris, Bureau de Comité Pottier, [n.d.] ; Isinalin mula Pranses ni Mitchell Abidor; CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2018. Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr. 15 pantig bawat taludtod Nakita nang lumitaw ang dambuhalang halimaw, Ang malalaking kilabot at ang mga bagito, Ang mga heneral pati ang mga kaparian Lahat sila’y nangatal: ang sandal na’y dumatal! Dinagundong ng lintik yaong mata’t angking bisig, Hindi palihim na kumikilos yaong Paggawa: Kumikilos  iyon at gumagana nang hayagan At nag-oorganisa nang walang sinumang amo! Anila: “Sa daigdig at sa mga bunga nito, Sa mga kasangkapan at lahat ng nalilikha, Nilahad mo ang iyong kamay: isuko mo sila!" "At dumating kayo, na nakamamatay na multo Upang makibahagi lang ba sa pamumuhunan?" "Upang ipamahagi? Hindi! Upang kunin lahat! sa Manchester noong 1881 * Isinalin n

Hiyaw upang maningil

Imahe
HIYAW UPANG MANINGIL! Tula ni Vladimir Mayakovsky  Isinalin sa Ingles ni Lika Galkina kasama si Jasper Goss, 2005. Malayang salin sa wikang Filipino ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang gardang ng digmaan ay dumadagundong ng dumadagundong. Inihihiyaw nito: itulak ang bakal sa mga buhay. Mula sa bawat bansa alipin sa alipin na itinapon sa bayonetang bakal. Para sa kapakanan ng ano? Nayayanig ang lupa sa gutom at hinubaran. Sumisingaw ang sangkatauhan sa dugong nagsidanak kaya lang sinuman saanman  ay maaaring makaapak sa Albania. Mga pulutong ng taong gapos sa masamang hangarin, yaong upak nang upak sa mundo para lamang sa sinumang ang sinasakyan ay makadaan nang walang bayad sa pamamagitan ng Bosporus. Nalalapit na ang daigdig ay hindi magkakaroon ng tadyang na buo. At ang diwa nito’y bububutin. At tatapak-tapakan para lang sa sinuman, ilalatag ang kanilang kamay sa Mesopotamia. Bakit nangyaring  isang bota ang bumagsak sa Daigdig — bitak at magaspang? Ano ang nasa itaas ng labanan sa alapaan

Upos

Imahe
UPOS may namumuti sa aspaltadong  kalsadang animo'y mga pekas na di man lang pansinin ng tao na sa kalikasa'y umuutas taktak dito't doon, ay, magmuni saan nga ba ang wastong tapunan pinitik lang matapos magyosi lansanga'y ginawang basurahan sa balita, pangatlo ang upos sa basurang naglutang sa laot kung makina'y maimbentong lubos na sa ganyang problema'y sasagot baka sa upos, may magawa pa lalo na't binubuo ng hibla barong ay mula hibla ng pinya lubid ay sa hibla ng abaka pag-isipan anong tamang solusyon hibla ng upos, gawing sinturon? sapatos, bag, ito sana'y tugon upang laot di ito malulon - gregoriovbituinjr. 07.02.2022

Pagkatha't labada

Imahe
PAGKATH A'T   LABADA sa akin, paglalaba'y panahon din ng pagkatha sapagkat nakapagninilay ng mahaba-haba oo, makata'y labandero ring abalang sadya sa gawaing bahay kaysa sa langit tumingala batya o timba'y agad ihanda, lagyan ng tubig ilagay ang labadang ang libag ay nang-uusig ihanda ang sabong pulbo o bareta, ang bisig na payat na magkukusot ng duming mapanglupig kusutin ang kwelyo, bandang singit at kilikili ang palupalo'y gamitin upang dumi'y iwaksi banlawan pagkatapos at pigain nang maigi habang napagninilayan ang paksang di masabi nilabhan ay ihanger o sa sampayan isampay sa sikat ng araw o hangin patuyuing tunay ah, kaysarap maglaba't may paksang natatalakay sa diwang patuloy sa pagkusot ng naninilay - gregoriovbituinjr. 07.01.2022

Salamin

Imahe
SALAMIN natanaw ko lamang ang repleksyon sa isang nagbabanggaang alon ng pagkalumbay na nilululon maging yaong haraya ng kahapon bawat aksyon ay sumasalamin sa tindig sa maraming usapin tulad kong iba ang tutunguhin batay sa yakap kong simulain anila, wala naman daw iyan sa napili mong sining at daan tila ba sila'y nakukulangan sa nakita nilang kapayakan narinig ko lang ang mga hibik noong tumitindi ang tikatik kaya di na nagpatumpik-tumpik sa papadatal na sigwa't lintik - gregoriovbituinjr. 07.01.2022