Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual. 

Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga naman ng P245.00, at umaabot ng 215 pahina ang mismong teksto ng mga kwento, habang nasa 19 pahina ang naka-Roman numeral.

Buti na lang at may salapi ako nang mga panahong iyon. Kaya nabili ko ang dalawang aklat, P475.00, kaya may 25.00 pang sukli para pamasahe sa buong P500.00.

Ang dalawang aklat ay kapwa inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at parehong 5" x 7" ang sukat ng aklat. Taon 2003 nalathala ang kay Pascual habang taon 2007 naman ang aklat ni Parcero. May labimpitong kwento si Parcero sa kanyang aklat, habang may dalawampu't isang kwento naman si Pascual. Sino ba ang mga manunulat na ito?

Ito ang nakasulat sa kani-kanilang aklat: 

"Si Placido R. Parcero Jr. ay isinilang sa Imus, Cavite. Nagtapos siya ng B.S. in Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1962, at nagtrabaho bilang inhinyero bago nagbuhos ng panahon sa pagsusulat. Nalathala sa mga magasing popular ang kaniyang mga kwento. Nakasulat na rin siya ng apat na makapal na nobela, at isinerye sa Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa timpalak Palanca noong 2000, at ikatlong gantimpala sa timpalak sa maikling kwento ng Liwayway noong 1969.

"Unang nakilala bilang matinik na kwentista si Benjamin P. Pascual bago sineryoso ang pagiging nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks, hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang mga kwentong "Landas sa Bahaghari" (1965) at "Di Ko Masilip ang Langit" (1981). Nagtamo naman ng grand prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang Utos ng Hari noong 1975. Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala nhg Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela. Yumao siya noong 11 Disyembre 2002.

Wow! May "apat na makapal na nobela" pala si Parcero, na "isinerye sa Liwayway". Naisaaklat kaya ang mga nobela niyang iyon? Hindi ko pa iyon nakikita. Si Benjamin Pascual ang may mga nobela pang makikita sa mga tindahan ng aklat.

Magugustuhan mo naman ang kwentong "Di Ko Masilip ang Langit" ni Pascual, na nanalo ng Palanca. Isang manggagawa sa konstruksyon ang pangunahing tauhan dito. Ang kanyang kwento, sila ang gumawa ng ospital na iyon. Sila ang mga manggagawang naghukay sa lupa, naglagay ng pundasyon, nagsemento, naglagay ng mga tiles, hanggang ilang palapag na gusali, hanggang mayari talaga ang ospital na iyon. Hanggang isang araw, ipinasok niya ang manganganak niyang misis sa ospital na iyon. Hindi sila pinapasok dahil wala silang pambayad o deposit. Ang nangyari, nakunan ang kanyang misis, nalaglag ang ulo ng bata sa semento, patay.

Nakakakonsensya na kung sino pa ang gumawa ng ospital na iyon, silang mga manggagawa, ang hindi nakinabang sa benepisyong dapat ibigay ng ospital. Halos mabaliw ang pangunahing tauhan sa pagkukwento niya ng buong pangyayari.

Ang kwentong "Ang Manggagawa" naman ni Parcero ay pagkukwentuhan naman ng ilang manggagawa sa konstruksyon hinggil sa kani-kanilang buhay habang nag-iinuman matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nahulog pa si Piryo mula sa mataas na andamyo, subalit tuloy pa rin ang trabaho. Kwento ng porman, sa dami ng kanyang nakasama sa trabaho, iilan lang ang umangat sa buhay.

Magaganda rin ang mga pamagat ng kwento. Halimbawa na lang sa mga kwento ni Parcero: "May Nakahimlay na Pangarap sa Pasong Santol," "Isang Boteng Hinyebra at Isang Pangarap," "Mga Pusong Bato," "Namamasko ang mga Gunita," at "Saan Patungo ang Kariton ni Coring." Ito naman ang kay Pascual: "Kwento ng Dalawang Pangit," "Paalam kay Kaibigang Bote," "Ang Pusa Mo at ang Puso Ko," "Chedeng," at "May Buwan sa Pamarawan."

Pawang hinggil sa buhay ng karaniwang tao ang mga ikinukwento ng dalawang magagaling na manunulat na ito, tungkol sa buhay sa konstruksyon, buhay-maralita, at karaniwang mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanilang mga kwento ay masasabing bulawan o gintong panitikan ng kanilang panahon. Doon ay mahahango natin ang mga pangyayari sa kanilang panahon na maaari natin maiugnay sa ating panahon. Bakasakaling may maikintal sa ating aral o gabay, o marahil maiwan sa ating diwa ang pilat ng nakaraan. Halina't basahin natin ang mga handog sa ating kwento nina Parcero at Pascual. 

Agosto 14, 2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa