Pagkatha

PAGKATHA

minsan, mahirap ding kumatha
pag di dumapo sa haraya
ang napakagandang diwata
musa ng panitik, paglikha

sa akin niya binubulong
ang samutsaring mga tanong
na kawing-kawing, dugtong-dugtong
na tila baga mga bugtong

wala, wala pang maisulat
dapat yaring mata'y idilat
sa paligid ng parisukat
o bilog ng mundo't mamulat

hanggang sa ako'y napaidlip
ang mutya'y nasa panaginip
na ganda'y walang kahulilip
siyang sa puso'y halukipkip

kung hangin na ay humahaging
sa pamayanan habang himbing
at sa banig pabiling-biling
aba'y magmulat na't gumising

- gregoriovbituinjr.
12.19.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Si Espiridiona Bonifacio

Sa pamamaril kina Ka Leody

Mga basura sa bangketa