Regalong isdâ sa tatlong pusang galâ
REGALONG ISDÂ SA TATLONG PUSANG GALÂ
sadyang ipinaglutò ko sila ng isdâ
upang madama rin ng mga pusang galâ
ang diwà ng ipinagdiriwang ng madlâ
bagamat Paskong tuyó ang dama kong sadyâ
sa panahong yuletido ay naririto
pa ring kumakathâ ng mga tula't kwento
wala pang pahinga ang makatang biyudo
buti't may mga pusang naging kong kasalo
ang isa'y inahing pusang may tatlong anak
ang dalawa'y magkapatid, nakagagalak
walâ si alagà, saan kayâ tumahak?
habang pusò nitong makata'y nagnanaknak
sige, mga pusang galâ, kayo'y kumain
kaunti man ang isdâ, ipagpaumanhin
basta nandyan kayo'y laging pakakainin
upang walang magutom isa man sa atin
- gregoriovbituinjr.
12.25.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1693EHNwHx/

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento