Katha't nilay

KATHA'T NILAY

nagpapasalamat akong totoo
sa bawat kasama't mga katoto
na sa maraming labanan at isyu
ay nagkaisang magtagumpay tayo

pag may isyu nga akong natitisod
susuriin, aalamin ang buod
gagawan na ng tula't ia-upload
kapara ng busóg, palaso't tunod

pag sa mga isyu'y di mapalagay
ay magsasaliksik ng walang humpay
habang prinsipyo'y isinasabuhay
at hanay ay ating pinatitibay

makatâ mang walâ sa toreng garing
iwing diwa'y mananatiling gising
trapo't burgesya man ay sumingasing
ang masa'y di mananatiling himbing

salamat, kadukha't kamanggagawà
sa tulong kahit daanan ng sigwâ
kakathâ at kakathâ ang makatâ
bilang ambag sa layuning dakilà

- gregoriovbituinjr.
01.17.2026

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang frost o andap

Soneto 94

May madaling araw na ganito